Saturday, January 22, 2011

Orosa-Nakpil, Malate: A Review


Photobucket




“May mga bagay sa buhay natin na hindi natin kontrolado. May mga pagkakamaling hinding-hindi na natin maitatama pa gaano man nating gustuhin. Kaya minsan, kailangang gamitin ang utak kahit iba ang sinisigaw ng puso. Kahit pa masakit, kailangan nating magtiis.” – Orosa-Nakpil, Maate, Louie Mar Guangcuanco

Ang Orosa-Nakpil, Malate ay isinulat ni Louie Mar Gangcuangco, isang intarmed student ng UP Manila, noong sya’y disisyete anyos pa lamang, taong 2006. Ang libro ay self-published. Mayroon din itong 22 illustrations at 23 na mga kakaibang maiikling tula. Sa unang labas nito ay nag-sold-out agad sa mga bookstore dahil ang ilang tagpo ay hango sa sariling karanasan ng awtor. At taong 2007, naging isa ito sa mga bestseller ng National Bookstore. Mayrooon itong Tagalog version, English version at Uncut Tagalog version. Lumabas ito sa isa sa mga episodes ng “Sharon”,”Yspeak” at “Fulltime Mom” kahit ang tema nito ay tungkol sa ikatlong kasarian . Nang lumabas ang English version, nabasa na rin ito sa ibang bansa, taong 2010.
........................................................................................................................................................



Isang nobela na umiikot sa mga salitang: bakla, kasarian, sekswalidad, STD, AIDS, at sex.  Isang kwento ng ligaya, pag-ibig, paghihiganti, libog at luha.  Simple ang plot pero habang binabasa mo s’ya lalong nagiging kumplikado at nagsusulputan ang mga gustong palutangin ng manunulat.
Ang kwento ay binubuo ng makukulay at kontrobersyal na mga tauhan. Si Dave de Jesus, ang pangunahing tauhan, ay isang matalinong intarmed student ng UP Manila, at nagkataong isa s’yang bakla. Sa kanya ipinadadaan ng awtor ang mga scientific terms na konektado sa HIV/AIDS.
Ang pagtungtong sa kolehiyo ang naging unang hakbang ni Dave patungo sa “pagdadalaga”. Natuto s’yang  gumala-gala sa iba’t-ibang bar sa Malate, katulad ng “Barn”. Sa Barn ay mayroong tinatawag na “dark room”. Kung saan nagagawa ang mga himala na ikinukubli ng dilim, alam niyo na kung ano yun. Isa si Dave sa mga taong nagtatago sa dilim.

Sa Barn, iba’t-ibang tao ang pumapasok, mapa-straight, bisexual, o bakla o kaya yung mga babaeng bakla at mga gigasexual. Punung-puno ang mga dance floor, maingay at nakakaindak na tugtog, mga katawang nagdidikit, yan ang makikita sa Barn. At dito nakilala ni Dave ang mga lalaking nagpatibok ng kanyang puso. Sila Celso, Vince, Michael at marami pang iba. At ang namumukod tangi sa kanila ay si Ross.
Si Ross ang nagpakita kay Dave ng tunay na pagmamahal sa iba’t-ibang paraan ngunit lahat naman ng istorya ay hindi happy ending eh. Hindi realistic kung palaging happy ending. Sa pamamagitan ni Ross papaigtingin ng manunulat ang  usapin tungkol sa AIDS. Kung ano nga ba ang kayang gawin ng sakit na AIDS sa isang tao at sa mga taong nakapaligid, nagmamahal,  sa kanya. Tinuturuan din ng nobela ang mga mambabasa na pahalagahan ang bawat sandaling mahawakan ang kamay ng mga mahal nila, bawat sandali na dapat ay ipakita ang pagmamahal sa bawat isa dahil ang buhay hindi natin alam mawawala na lang ng bigla.

Kaya ng isang upuan ang Orosa-Nakpil dahil sa pagiging makulay nito, magandang imagery, at hindi ito nalalayo sa realiadad. Nahuhuli nito ang kiliti ng mga mambabasa at pwede ring panglibang habang nakaupo sa trono.
Magaling ang atake ni Gangcuangco. Swabe ang pasok ng mga isyung gusto niyang ilantad sa mga mambabasa, katulad ng sekswalidad. Sabi nga ni Dave, hindi naman tayo pinamimili ng Diyos kung gusto ba nating maging straight, bi o bakla. Maraming dahilan kung bakit nagiging ganito o ganire ang isang tao patungkol sa kanyang kasarian. Hindi naman kasi kung ano ang nasa gitna ng ‘yong mga hita ay iyon ka na. Malaking isyu ito lalo na sa isang konserbatibo at kristyanong bansa tulad ng Pilipinas.

Isa lamang ang gustong tumbukin ni Gangcuangco, HIV awareness, pero sa kanyang malikhaing paraan nabibigyan rin ng pansin ang ilang mahahalagang isyu sa ating lipunan. Tulad ng kagustuhang tumulong ni Dave sa mga sawimpalad at sa mga may sakit ngunit dumating siya sa panahong ni hindi na n’ya maalala na ginusto niya ang makatulong dahil nga sa iba’t-ibang pagsubok at lalaking dumating sa kanyang buhay. Isa rin sa mga nakapaloob sa nobela ay ang paglalantad na ang mga pangyayari sa istorya ni Gangcuangco ay talagang nangyayari sa tunay na buhay. Kaya sa kanyang paunang salita ay humihingi siya ng paumanhin sa mga konserbatibong maaring makahawak ng libro, dahil nga punung-puno ang nobela ang mga sensyual na tagpo. 
Kahit ang istorya ay umiikot sa mga taong nabibilang sa 3rd sex ay ipinakita pa rin na hindi porket mga bakla sila dapat na silang ikondena, tao pa rin sila, at lahat tayo ay pantay-pantay. Ipinakita ito sa pagiging malapit ni Dave sa Diyos. Lagi silang nagsisimba at ang malakas na paniniwala niya sa Poong Maykapal.

Kakaiba ang istilo ng paglalahad ng nobela, mayroong isang tagasalaysay na sa umpisa pa lang ay isa ng misteryo para sa mga mambabasa. At sa huli ng Orosa-Nakpil isisiwalat rin kung sino nga ang narrator. Mayroong rin syang kinalaman kay Dave ngunit ang usapin na iyon ay ibang kwento na. Lalabas din na ang istoryang Orosa-Nakpil Malate ay isa lamang prologue, hindi natin alam kung magkakaroon nga ito ng book 2, o istilo lamang ba talaga ito ni Gangcuangco

Ang Orosa-Nakpil, Malate ay kumbaga sa kape ay 3-in-1. Una, ito ay nakakaaliw. May humor ang mga tauhan, isama na rin natin ang mga madidilim na tagpo, at ang kakaibang pagkwekwento ng tagasalaysay.

Pangalawa, ito’y  nagbibigay ng impormasyon. Nabigyan ng linaw ang mga ilang usapin tungkol sa AIDS, halimbawa na lamang ay ang “window period”. Ang ibig sabihin nito ay hindi porket nagpatest agad ang isang tao kung may AIDS sya o wala, pagkatapos makipagsex, hindi agad lalabas ang tunay na resulta. Maaring “false negative” ang lumabas. Malaking tulong ang pag-ulit-ulit nito ni Guangcuangco sa kanyang nobela. Kung hindi ito malalaman ng mga taong maaaring tumatangkilik ng unsafe sex, hindi na nila ito malalaman dahil kung lalabas ang false negative magiging kampante sila at ipagpapatuloy lang nila ang pakikipagsex ng walang proteksyon.   At marami pang konsepto na dapat lamang malaman ng mga tao, dahil nga hindi naman natin makokontrol ang dami ng taong nakikipag casual sex, kaya dapat katulad ng adhikain ni Guangcuangco, i-promote natin ang safe sex.

Pangatlo, hindi lamang ito basta istorya, may adhikain at layuning gustong patunguhan. Iyon ay ang magbigay ng inspirasyon sa mga mambabasa at ipakita na ang pagmamahal ay hindi masusukat ng kasarian, ng panahon at ng gawa. Ang magsiwalat at buksan ang ating mga mata sa mga bagay sa lipunan na kahit araw-araw natin nakikita ay hindi natin napagtutuunan ng pansin. 





No comments:

Post a Comment